Wednesday, November 23, 2005

Obsessive Stalker

Di ko alam na may pagka-obsessive stalker pala ako nung hayskul.

Oo nga at obsessive pa rin ako ngayon. May abilidad pa rin ng isang stalker. Pero talagang obsessive stalker ako nun.

Alam mo bang sa tatlong journals na meron ako, 98 percent yata ikaw ang laman. Dose-dosenang tula na rin ang nagawa ko para sa ‘yo. Ganun pala ka–lalim ang pinagsamahan natin. Ang pagka-obsessed ko sa ‘yo.

Kaya’t nagtataka ako kung pa’no kita nagawang kalimutan nung nasa kolehiyo na tayo. Ah, eto pala. Mga sulat mo sakin. Meron ditong daig pa ang nobela sa haba ah. Andami mo rin palang ipinadala. Eh, araw-araw ba naman kitang sulatan noon, siguro na-obliga ka na ring magpadala ng isa sa isang buwan. Isa, dalawa, tatlo… walo. Walong sulat lahat natanggap ko.

Apat na taon sa kolehiyo, walong sulat, sa loob ng iisang taon mo ipinadala lahat. Ganun ba ka-depressing ang freshman year mo at andami ng panahon mong sulatan ako? Valentine’s Day ng year 2000 ang petsa ng pinaka-huling liham na hawak ko. Di ba 2003 tayo grumadweyt? Ano na ang nangyari sayo sa tatlong taon na yun?

Yung huling sulat ko kaya sa ‘yo, ano yung petsa? Hindi ko na rin matandaan eh. Hindi ba’t kinalimutan na nga kita?

Ngayon, bumabalik ka sa buhay ko. Bakit pa? Aaminin kong obsessive stalker mo ako noon pero hindi na ngayon. May buhay na akong tinatahak at hindi ka na bahagi nun. Huwag mo na sana akong muling guguluhin pa.

Ayoko nang magsulat sa journal. Ayoko nang lumikha ng tula. Hindi na ako hayskul. May buhay akong dapat patakbuhin at hindi ko kailangang magulo ang natural nitong estado.

Katulad na lang ngayon. Dapat sana’y pag-check ng exam ang pinagkakaabalahan ko. Nguni’t heto’t ang pagsusulat tungkol sa iyo ang napagtutuunan ko ng pansin.

Hindi ka na dapat bumalik. Ayoko nang muling maging obsessive stalker mo.

No comments: