Sa tuwing ako’y mapapadaan sa harap ng bintana ng kanilang tahanan sa pagsapit ng dapithapon ay laging may munting kandilang may sindi akong masisilayan. Kandilang nagbibigay liwanag sa munting altar kung saan ko siya malimit na nakikitang nakayuko, pikit ang mga mata at umuusal ng munting panalangin.
Ang kanyang mga labi ay parang puspusang bumibigkas ng mga panalanging matagal nang minemorya. Mga kahilingang matagal nang naghihintay ng katuparan.
Sa umaga’y tunog ng lumang karaoke ang maririnig. Madalas ay mga kanta ni Sharon Cuneta ang sinasabayan niya ng pag-awit.
“Balutin mo ako ng hiwaga ng iyong pagmamahal…”
Ito ang pinakapaborito niya sa lahat. Ito rin ang pinakapaborito ng nanay niya. Marahil kahit natutulog siya ay kayang-kaya niyang kantahin ang awiting ito. Napanood na rin niya ang pelikula. Marahil ay ilang daang beses na niya itong nakita dahil sa paulit-ulit na panonood nila ng nanay niya sa betamax. Memoryado niya na halos lahat ng linya ng mga artista sa pelikula.
Minsan sa paaralan ay narinig ko pa siyang mag-Inggles.
“You’re nothing but a second rate, trying hard copycat!”
Ito ang sinabi niya sa kaklase naming nagsabing mas magaling daw itong kumanta kaysa kanya. Hindi ko naintindihan ang kanyang sinabi. Inggles kasi. Pero nang ang mga salitang ito’y namutawi sa kanyang labi, pakiramdam ko’y daig pa nito ang mga paborito kong tula ni Kiko Baltazar. Sa pagkakasabi niya’y para itong sinaliwan ng mga huni ng ibon at ihip ng malamig na hangin. Kahit na ang kaaway niya’y natigilan. Nakakarinig rin naman kami ng Inggles sa klase. Pero parang hindi pa kami natuturuan ni Mam ng mga sinabi ni Katrina.
Friday, October 06, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)



No comments:
Post a Comment