Friday, January 07, 2005

Pocketbook

Di ko na namalayang mamasa-masa na pala ang pisngi ko.

Anak ng puto naman, romance pocketbook lang, iniyakan ko? Yaaak! Kelan pa ba ako naging ganito ka-babaw? Dati-rati nama’y nangunguna pa akong mangantiyaw sa mga dormmates kong napupuyat sa mga babasahing ganito, tapos heto ako’t may paiyak-iyak pa. Yaaak!

Pinunasan ko na lang ang mukha ko sabay gagap ng aking cellphone.

“naiyak ako sa pktbuk.corni pro npaiyak pa rn ako.hehe m22log kna ba,mike?gudnyt..”

Di naman ako naiyak dahil sa sobrang madamdamin ang nabasa ko. Parang naiinis pa nga ako dahil kung bibilangin ko lahat ng grammatical errors, aba’y kanina ko pa siguro inumpisahang sunugin ang pocketbook na yun. Pag nagbabasa ka kasi ng pocketbook, nunca mong iisiping proofreader ka. Ilayo mo na rin pansamantala sa isipan mo ang mga itinuro ng teacher mo sa Grammar and Writing class nyo nung high school. Sayang na nga ang oras mo, sasakit pa ang ulo mo.

Huwag ka na rin magtaka kung bakit sa tuwing naiinis ang bidang babae sa kanyang leading man ay umiiyak na lamang ito. Samantalang sa tuwing naiinis naman ang bidang lalake sa leading lady niya, ginagawaran na lamang niya ito ng marubdob at masuyong halik. Ganun talaga sa pocketbook, ang babae’y umiiyak lamang o hinihalikan.

Siyempre pa, kahit na ilang iyakan o halikan man ang mangyari, sa katapusan ay magkakatuluyan pa rin ang dalawang bida. Kaya siguro maraming nagbabasa ng pocketbook. Lahat tayo’y nag-iilusyon sa happy ending. Eh namputsa naman, may happy ending ba sa totoong buhay?

Sa pagbabasa ng pocketbook, masanay ka na ring puro magaganda’t sexy saka gwapo’t macho ang mga nagkakatuluyan. At kung hindi man sila parehong mayaman, ang mahirap sa kanila’y yayaman din sa huli. O di kaya’y pakakasalan rin naman ng mayaman. O kaya’y magmamana ng kayamanan. Basta, asahan mong sa huli’y mayaman na silang pareho.

Parang naiisip ko tuloy na di puwedeng magkaroon ng happy ending ang mga panget o mahirap. Kawawa naman kung ganun ang dormmate ko. Mahirap na nga’t panget, wala pang happy ending.

“tama na yan, lea.m2log kna.may psok kpa bukas.gudnyt.”

Aba, himala, nag-reply ang mokong. Minsan lang mangyari ‘to ah. Ang lapad ng ngiting sumilay sa mga labi ko habang isini-set ko ang alarm ng telepono ko para maaga akong magising kinabukasan.

Napadako ang tingin ko sa mgkaparehang modelo sa cover ng pocketbook.

Mahigit dalawang taon na rin akong may gusto kay Mike. Pero magkaibigan pa rin lang kami hanggang ngayon. Naisip ko, ipadala ko kaya sa mga editors ng pocketbook ang storya namin. Pero paano ba yan, guwapo nga siya, di naman macho. Ako, hindi na nga maganda, hindi pa sexy. Pareho pa kaming hindi mayaman. Siguro nga’y hindi pang-pocketbook ang kwento naming dalawa. Pihado naman kasing walang happy ending.

Maghahating-gabi na. Inayos ko ang kama ko’t itinabi ang mga pocketbook na nakakalat doon. May dalawa pa akong di nababasa. Bukas naman uli.

No comments: